Sa Tamang Panahon

watching_the_sunsetDahil Buwan ng Wika ngayon, ninais kong isa-Tagalog ang aking simpleng pagninilay na may kinalaman sa aking patuloy na pagtuklas at pagsasaliksik ng tunay na persona ng pag-ibig.  Ngayon, gusto ko sana ibahagi ang naging bunga ng aking pagninilay sa temang aking inisip at napili na naging usap-usapin sa social media, telebisyon, radio, at pati na rin sa tsimis, biruan, at kiligan; walang iba kundi ang pariralang “Sa Tamang Panahon” (pasensiya na kung may elemento ng Taglish).

Nang sumikat ang AlDub, ang kauna-unahang Kalyeserye na pinasikat ng Eat Buluga, muli na naman naantig ang aking kamalayan sa mga usapin at terminolohiyang may kinalaman sa pag-ibig.  Sa totoo lang, hindi ako masugid na tagahanga ng AlDub at hindi ko rin sinusubaybayan ang mga episode nito na pinapalabas ng Eat Buluga sa telebisyon araw-araw.  Pero, nang sumikat at bumulaga sa Facebook, Youtube, at Twitter ang pariralang Sa Tamang Panahon  na pinasikat ng programa kamakailan lang, biglang napatanong ako sa aking sarili; Kalian ba ang Tamang Panahon?  Ano ba ng tunay na kahulugan nito?  Bakit ito ang madalas na ekspresyon o bukang-bibig sa #whogoat (#hugot), love quotes, #padeepthoughts, #pabebe, #pabitter, jokes, at pati na rin sa pagmamahalan/pag-iibigan?

Madalas kapag naririnig ko o nababasa ko ang pariralang Sa Tamang Panahon napapakamot ako sa ulo.  Minsan nga napapatanong ako sa sarili ko; Alam ba nila ang kahulugan nito?  Saan ba nila hinugot ang pariralang ito?  Maraming beses na rin ako nasabihan ng pariralang ito lalung-lalo na kapag #realtalk ang usapan, halimbawa; Kailan ba tayo mag-uusap?  Please naman let’s talk.  (Ang sagot)…Hindi muna ngayon busy ako…Sa Tamang Panahon na lang.  Ewan ko ba kung alibi lang ang pariralang Sa Tamang Panahon o may kaakibat sigurong katotohanan sa likod nito.  Baka siguro busy talaga siya o hindi pa talaga ang tamang oras, tiyempo, at pagkakataon para sa #realtalk.  Anyway, hindi ko naman kontrolado ang sitwasyon at ang kailangan kong gawin sa ngayon ay magpasensiya at maghintay.

Magpasensiya at Maghintay…teka lang…parang tugma sa pariralang Sa Tamang Panahon.  Di ba ito dapat ang ugaling taglay natin kapag tayo ay umaasa na sana maganap na ang mga inaasahan natin mangyari sa ating buhay at sana masagot ang mga katanungan sa ating puso’t isipan na naibaon natin sa limot at pagdududa?  Kaya, para sa akin, isang misteryo ang pariralang ito at ito rin ang dahilan kung bakit napapakamot ako sa ulo.  Ibig sabihin nito, mahirap tukuyin sa pamamagitan ng salita at talinghaga ang tunay na kahulugan ng pariralang ito.  Karanasan lamang ang siyang magiging batayan at magbibigay ng tunay na kahulugan nito.

Siya nga pala, nabanggit ko ang salitang Karanasan at nabanggit ko rin na hindi bago para sa akin ang pariralang ito kung karanasan ang magiging batayan upang mabigyan ito ng konkretong kahulugan.  Kung aking babalikan ang mga tinatangi kong karanasan para lamang mabigyan kahulugan ang pariralang ito, masasabi ko, hindi kailanman mabibigyan halaga ang pariralang Sa Tamang Panahon kung di ka maniniwala na may pag-asa sa lahat ng iyong inaasahan.  Kaya tayo umaasa dahil may Tamang Panahon sa lahat ng bagay.  Pero, paano kung umaasa lang ako sa wala?  Paano kung ang inaasahan ko ay wala pa lang kaakibat na pag-asa?  Magagawa pa ba natin masilayan at maranasan ang Tamang Panahon kung umaasa lang ako sa isang karanasang tabularasa?  Minsan di natin maiwasang magduda sa tuwing hindi napupunan ng pagkakataon ang mga inaasahan natin sa buhay.  Minsan ang hirap intindihin kung bakit sa buhay natin may mga masasakit na katotohanang umaapekto sa ating pag-iisip, paninilay, at pagkilos.  Pero, sa kabila ng lahat na ito, patuloy pa rin tayong umaasa na sana dumating inaasam nating Tamang Panahon.

Anong nagtutulak sa atin na umasa sa Tamang Panahon kahit wala ng pag-asa?  Pag-ibig.  Ah! Bakit?  Sa pagninilay ko, napagtanto ko na kahit mawala man ang pag-asa sa kakahintay natin sa Tamang Panahon, pag-ibig ang magtutulak sa atin na huwag lisanin ang kasabikan masilayan ang liwanag na hatid nito.  Ngunit, isang mahalagang bagay ang dapat natin tandaan sa pag-ibig; dapat nasa Tamang Panahon din para sa hinahangad na Tamang Pagkakataon.  Oo, likas na sa atin ang magpaapekto sa impluwensiya ng pag-ibig lalo na kung tayo ay umaasa kahit imposible na ang lahat.  Pero, dapat naayon sa Tamang panahon.  Ang gulo diba? Pati ako naguguluhan na rin.

Kailan ba talaga ang Tamang Panahon?  Sa totoo lang hindi segundo, minuto, oras, araw, buwan, at taon ang batayan nito.  Bagkus, nasa ating disposisyon at desisyon ang Tamang Panahon.  Hindi madali ang umasa at maghintay, ngunit kailangan dahil kahit wala nang pag-asa ang umasa at maghintay, at pag-ibig na lang ang siyang nagtutulak para manatili ang kasabikang masilayan ang Tamang Panahon; ito’y isang magandang disposisyon at halimbawa ng taong tunay na nagmamahal.  Ang Tamang Panahon ay may kaakibat na sakripisyo at pag-aalay buhay, at mauunawaan lamang ito kung tayo’y tunay na nagmamahal na walang pag-aalinlangan.

 

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s